Kabanata 4
Alas-siyete ng gabi, nasa kusina kami, at hindi ko pa rin masabi.
Nakahain na ang kanin, may ginataang gabi, may tuyo. Nasa dulo si Papa. Katapat ko si Mama. Nasa tabi ko ang kapatid ko, umuwi para sa weekend, nakatutok sa phone habang kumakain.
"Pa," sabi ko. "'Yung boss ko po."
"Oo?"
"Ybañez po siya. Mateo Ybañez. 'Yung kompanya po na nagpadala ng sulat dati. 'Yung sinagot natin."
Humina ang kalampag ng kubyertos. Tumingin si Mama sa akin, tapos kay Papa.
"Bukas po, aakyat siya dito. Site visit daw po."
Ibinaba ni Papa ang kutsara niya. Hindi siya nagsalita agad. 'Yung kaliwang hintuturo niya—'yung putol ang dulo, naputol sa kutsilyong pampinya noong bata pa ako—tumapik sa mesa. Isa. Dalawa. Tatlo.
"Te, matatanggal ka ba?" tanong ng kapatid ko, nakaangat na ang kilay.
"Ambot. Baka."
"Ang bukal," sabi ni Papa, at tumigil ang daliri niya. "Tubig 'yan ng buong sitio, Day. Mula pa noong panahon ni Lolo mo. Libre sa kahit sino. Walang nagbabayad, walang pinagbabawalan. Ganun 'yan."
"Opo, Pa."
"Dalhin mo siya dito, Day. Para makita niya."
Tumango ako. Wala nang sinabi si Papa buong hapunan.
Hatinggabi, umakyat ako sa tangke. Malamig ang konkreto, basa ng hamog. Tatlong bar ang signal.
Tumunog ang phone ko. Siya.
Sinagot ko. Walang video, gaya ng dalawang taon. At sa dilim, parang balik lang kami sa dati—boses lang, walang mukha, madali.
"Are you on the tank?" tanong niya.
"Opo. Dito po ako laging nandito."
Tumawa siya nang mahina. Tapos tahimik kami ng ilang segundo, at wala, hindi awkward.
"Sir," sabi ko. "Tatanungin ko po."
"Ask."
"Bakit po gusto ng kompanya n'yo 'yung farm na 'yan?"
Matagal siyang hindi sumagot. Tapos:
"The plant can't run without water. Not city water—spring water, clean, steady. The only one on that ridge is yours. Without it, there's no plant."
Humigpit ang hawak ko sa tuhod ko.
"At bakit po kayo mismo ang pumunta?"
"My grandfather gave me thirty days from the moment I landed. If I go home without the land, Mindanao goes to my cousin." Saglit siyang huminto. "Enzo."
"Enzo po?"
"If it's not me, it's Enzo. Enzo doesn't ask."
Hindi niya ako tinanong kung bakit ko gustong malaman. Hindi niya tinanong kung bakit gising pa ako nang hatinggabi sa ibabaw ng tangke. Ganun siya. Hindi siya nagtatanong ng hindi sinasabi.
"Nikki."
"Po?"
"Thank you for today. For reading it to them."
"Trabaho ko lang po 'yun, Sir."
"No," sabi niya. "It wasn't."
Pagkababa ng tawag, hindi ako bumaba agad. Nakaupo ako doon, nakatingin sa dilim na burol, naririnig ang tunog ng tubig sa ibaba.
Tapos kinuha ko ang flashlight sa may hagdan at bumaba ako.
Matarik ang daan pababa sa bukal, madulas sa gabi. Narinig ko muna ang tubig bago ko nakita.
Tapos may kumislap sa ilaw.
Pink na ribbon.
Isa. Tapos dalawa. Tapos nakita ko—mga istaka, bagong kahoy, nakapalibot sa bukal na parang kwintas. Pito. Walo. Siyam. Bawat isa may nakatali na pink na laso, pinukpok sa lupa namin nang walang nagpaalam, walang nagsabi, walang nagtanong.
Lumuhod ako sa putik.
Hinila ko ang una. Matigas. Niyugyog ko, binunot. Hinila ko ang pangalawa.
Isa-isa ko silang binunot, hanggang wala nang natira sa paligid ng tubig, hanggang basa na ang damit ko ng pawis at putik. Tapos binuhat ko sila nang sabay-sabay, naglakad sa gilid ng bangin, at inihagis ko ang bawat isa sa ibaba.