Kabanata 3
Alas-tres kwarenta y singko ng umaga, nakatayo na ako sa crew desk.
Sa ospital ako galing. Buong gabi akong nakaupo sa tabi ng kama ni Lola. Stroke daw. Stable na po siya, sabi ng nurse, pero hindi pa siya makapagsalita. Nakatingin lang siya sa'kin kagabi, bukas na bukas ang mata, at wala akong narinig na kahit isang salita.
Hindi ako nakatulog. Nagpalit lang ako ng uniform sa locker at pumunta dito.
Alas-tres singkwenta y nuwebe, dumating siya.
Malinis ang uniform, tuyo ang buhok, kalmado ang lakad. Nandoon pa rin ang orange na sinulid sa kaliwang pulso niya. Binuksan niya ang logbook, pumirma, tapos itinulak sa'kin.
Tiningnan ko ang orasan sa dingding. 3:59.
Kinuha ko ang ballpen ko at pumirma sa tabi ng pirma niya. Unang beses ko siyang i-sign in. Isang minuto bago ang alas-kwatro.
"On time po kayo, Captain," sabi ko.
"Noted, Miss Kim."
May dumaang amoy ng pabango bago pa ako makasagot. Isang purser, naka-heels, perpekto ang buhok kahit alas-kwatro ng umaga. Dumaan siya sa gilid ko na parang walang tao doon.
"Jules!" Hinawakan niya ang braso ni Julian at hinalikan ang pisngi nito. "Like, same flight tayo? Finally. Boring 'yung last week ko, promise."
Nginitian siya ni Julian nang kaunti. Ako, nakatayo lang sa likod ng desk, hawak ang logbook. Hindi ako tiningnan ng purser. Hindi niya ako nakita. Parang bahagi lang ako ng lamesa.
Okay lang. Ginagawa ko ang trabaho ko.
Tapos may lalaking lumapit sa desk, naka-suit, may hawak na passport at boarding pass.
"I need an upgrade," sabi niya nang malakas. "Business. Now."
"Sir, full po ang business cabin ngayon—"
"Do you know who I am?"
"Opo, Sir, nabasa ko po ang pangalan n'yo sa manifest. Pero full po talaga."
Inihagis niya ang passport niya. Tumama sa dibdib ko, tapos bumagsak sa sahig. Hindi ako gumalaw. Hindi ako sumigaw. Tinitigan ko lang siya at binilang ko ang tatlo sa isip ko.
"Sir."
Boses ni Julian. Hindi malakas. Pero lumingon lahat.
"On board, the captain decides who flies. Not you, sir." Tumingin siya sa boarding pass sa kamay ng lalaki. "You're not flying with me this morning. Please see the counter for a rebooking."
Nanlaki ang mata ng lalaki. "You can't—"
"I can. Final."
Tumahimik ang lalaki. Parang biglang nawalan ng laman ang dibdib niya. Lumayo siya nang hindi na umiimik.
Yumuko si Julian at pinulot ang passport sa sahig. Pinunasan niya sa manggas niya bago ibinigay sa'kin.
Tapos huminto ang tingin niya sa ID holder ko. Sa likod ng ID ko, may lumang bag tag—kupas na ang papel, halos hindi na mabasa ang tinta. TBL.
"TBL?" tanong niya.
"Tablas po. Romblon." Inayos ko ang holder. "Unang flight ko po 'yan. Tablas papuntang Manila. Dinesiotso anyos po ako noon."
Matagal siyang nakatingin sa tag. Tapos sa pulso niya, pinihit niya ang sinulid.
"Mahirap ang approach sa Tablas sa gabi," sabi niya. Tagalog. Bigla.
Tiningnan ko siya. "Wala naman pong lumilipad doon sa gabi, Captain."
Hindi siya sumagot. Kinuha niya ang flight bag niya at umalis papuntang gate.
Nang lumingon ako, may nakatayong lalaki sa may haligi. Naka-suit, alas-kwatro ng umaga, hawak ang coffee cup na parang hindi niya iinumin. Nanood pala siya buong oras.
Ngumiti siya sa'kin.
"So you're the agent who wrote up the heir. My office, noon, Counter Twelve."