Skip to content

Captain, Delayed Ka

Kabanata 4

Tanghaling tapat, nasa office ko siya ng COO.

Malamig. Malinis. May salamin na pader na tanaw ang runway. Inalok niya ako ng upuan at hindi ko tinanggihan, kasi parang hindi na ako kaya ng tuhod ko.

"Sit, Counter Twelve. Relax. You're not in trouble." Umupo siya sa gilid ng lamesa. "In fact, you're being noticed. Ground supervisor. There's a slot opening next quarter. You're young, but you're exact. I like exact."

Hindi ako umimik.

"And I understand you have a grandmother in a hospital in Pasay." Ngumiti siya. "Fifty thousand, I believe. Deposit. We have employee assistance for situations like that. I can sign it today."

Nag-init ang mga tenga ko. Ang linaw ng numero sa bibig niya. Kahapon ko lang 'yun narinig sa billing.

"Ano po ang kapalit, Sir?"

"Nothing difficult. You already sign him in every morning. Just send me the times. And anything unusual about the captain. Where he goes. Who he flies with." Humigop siya ng kape. "Everyone has a reason to be late. Find his."

Tiningnan ko ang kamay ko sa kandungan ko. Naisip ko si Lola, 'yung hawak niya sa kumot kagabi.

Tumayo ako.

"Hindi po ako espiya, Sir. Agent po ako."

Hindi nawala ang ngiti niya. "Think about it."

"Naisip ko na po."

Lumabas ako ng walang pera.

Alas-dos, nasa ospital ako. Kinausap ako ng doktor ni Lola sa pasilyo, kalmado, parang sanay na siyang magsabi ng ganito.

"Stable naman po siya. Pero 'yung deposit, bukas na po ang deadline. Kung hindi po mababayaran, ililipat natin siya sa ward."

Tumango ako. Nagpasalamat pa ako. Hindi ko alam kung bakit ako nagpapasalamat.

Sa loob, nakaupo ang kapatid ko sa sahig, hawak ang phone niya.

"Ate," sabi niya. "'Yung phone ko. Pwede kong isangla. Twelve thousand siguro."

"Hindi."

"Ate naman—"

"Sabi ko hindi."

Lumapit ako sa kama. Gising si Lola. Nakatingin siya sa'kin, at kahit wala siyang masabi, kilala ko 'yung mata niya. Hinawakan niya ang pulso ko. Mahigpit, para sa isang matandang hindi makapagsalita. Hinayaan ko lang siya.

Nanatili ako doon nang matagal, nakatingin sa dextrose na patak-patak.

Mga alas-singko, nag-vibrate ang phone ko. Unknown number.

"3:58 bukas. Don't miss me. — J.E."

Binasa ko. Binasa ko ulit. Binasa ko sa pangatlong beses, tapos tiningnan ko ang orasan sa dingding na parang may sasabihin 'to sa'kin.

May memo copy siya. Nandoon ang number ko sa gilid.

Ini-lock ko ang phone. Hindi ako sumagot. Pero hindi ko rin binura.

Alas-sais, bumaba ako sa billing para itanong kung may payment plan ba. Pinaghandaan ko na ang sasabihin ko. Naka-pila ako ng dalawampung minuto.

Iniabot ko ang papel sa cashier. Pagod na siya, pero mabait ang boses.

Tumingin siya sa screen. Tapos sa papel. Tapos sa screen ulit.

"Ma'am, sandali lang po." Nag-click siya ng kung ano. "Ay, hindi na po pala."

"Ho?"

Itinulak niya pabalik ang papel sa'kin, at ngumiti nang kaunti, parang masaya siyang may isang tao man lang ngayong araw na hindi niya kailangang singilin.

"Ma'am, covered na po ang deposit. Hatid-Buhay Foundation daw. 'Yung nagpalipad po sa Lola n'yo."