Kabanata 5
Apat na umaga na siyang dumarating ng 3:58.
Palaging dalawa ang kape sa kamay niya. Palagi niyang inaabot ang isa. Palagi akong umiiling.
"Hindi po pwede, Captain. Nasa duty po ako."
"Copy," sabi niya—hindi, hindi niya 'yun sinabi. Tinanggap niya lang. Tapos iniiwan niya pa rin ang cup sa gilid ng logbook, parang nakalimutan, parang hindi sinasadya. Pag-alis niya, nandoon pa rin 'yun, umuusok, hanggang sa lumamig.
Hindi ko ininom kahit isa. Pero hindi ko rin itinapon agad.
Night off ko ngayong gabi. Alas-nuwebe pa lang ako nandito sa ospital, nakaupo sa plastic na upuan sa tabi ng kama ni Lola, nakasandal ang ulo ko sa barandilya. Alas-kwatro ang pasok ko bukas para i-sign in siya para sa alas-singko.
Nakakapagsalita na nang kaunti si Lola. Paputol-putol, pero naiintindihan ko na.
"Day," bulong niya kanina. "'Yung piloto. Nasaan 'yung piloto ko?"
"Sino pong piloto, La?"
"'Yung nagdala sa'kin." Pikit ang mata niya. "Gabi. Walang ilaw sa strip."
Hinaplos ko ang kamay niya. "Matulog na po kayo."
Ikalimang beses na niyang tinatanong 'yun ngayong araw.
Nakaidlip ako. Sirena ang gumising sa'kin.
Ala-una kwarenta. Puno ng ingay ang ambulance bay sa baba. Tumayo ako at lumabas sa corridor, doon sa bintanang tanaw ang driveway, kasi 'yun ang ginagawa ng lahat ng pagod na tao sa ospital—nanonood ng ibang emergency para huminto muna sa sarili nila.
Nakabukas ang pinto ng ambulansya. May incubator na ibinababa, maliit, may ilaw sa loob. Isang nurse ang tumatakbo sa tabi nito, hawak ang gilid, nagsasalita nang mabilis.
"Newborn, from Masbate, thirty-four weeks! Sats eighty-eight! Padaan po!"
Sumasabay ang ambulance crew. "Dito, dito—sa likod!"
At sa kabilang gilid ng incubator, isang lalaki sa plain na asul na flight suit. Walang stripes. Walang pangalan. Basa ang buhok sa pawis, nakaroll ang manggas.
Sa kaliwang pulso niya, orange na sinulid.
Humawak ako sa bintana.
Si Captain. Si Julian.
Parang may humila sa tingin niya. Tumingala siya, diretso sa bintana ng third floor, sa ilalim ng puting fluorescent, at nagtama ang mata namin.
Hindi siya nagulat. 'Yun ang masakit. Parang alam niyang andito ako. Parang alam niya kung saang kuwarto.
Pumasok sila sa emergency. Nawala siya.
Pumasok ako ulit sa kuwarto, at nanginginig ang kamay ko sa pinto.
Gising si Lola. Kung paano siya nakabangon nang ganoon, hindi ko alam. Nakasandal siya sa siko niya, nakatingin sa bukas na pinto, sa pasilyo, kung saan may tumatakbong tao.
"Day." Mahina ang boses niya pero malinaw. "Siya."
"La, humiga po kayo—"
"Siya 'yung piloto ko." Itinuro niya. Nanginginig ang daliri niya. "'Yang pulseras. Orange. Hawak ko 'yan buong byahe. Abaw, Day, siya gid."
Tiningnan ko ang orasan sa dingding.
2:04.
Umupo ako sa gilid ng kama kasi hindi na kaya ng mga tuhod ko. Hinawakan ko ang kamay ni Lola at hindi ako umimik, kasi kung magsasalita ako, baka hindi ko na mapigilan.
Mga labinlimang minuto. Tapos may yabag sa pinto.
Nakatayo siya doon, hawak ang zipper ng flight suit niya, amoy fuel, amoy gabi, amoy langit. Tumingin siya kay Lola. Tapos sa'kin.
Alam naming dalawa ang oras. Alam naming dalawa kung anong ibig sabihin ng oras na 'to.
Walang rest. Walang tulog. Alas-singko ang flight niya.
"Captain," sabi ko.
Hinawakan niya ang hamba ng pinto, at sa unang pagkakataon, mukha siyang pagod.
"Alas-kuwatro ang report ko, Miss Kim. Isulat mo na lang ako."
