Kabanata 5
Isang linggo na siyang dumarating bago sumikat ang araw sa huling bloke ng Paglaum.
Hindi na 'ko nagtatanong kung bakit. Alas-singko, nandoon na si Joaquin, nakatali ang panyo sa leeg, kasama ng mga mamumutol sa hilera. Pumuputol siya na parang hindi siya anak ng may-ari ng kalahati ng valley. Sa ikalimang araw, butas na ang guwantes niya sa palad. Ipinakita niya sa 'kin, parang bata na may bagong sugat.
"Mahina ang gloves n'yo," sabi ko.
"Matigas ang tubo n'yo," sagot niya.
Tanghali, umupo siya sa banig kasama ang mga tao namin. Kanin at tuyo, kinakamay. Walang arte. Nang maubos niya ang isang tuyo, binigyan pa siya ni Manong Dado ng isa, tapos tumawa ang buong hilera.
"Dong, kaunti pa?"
Dong. Hindi na Sir. Narinig ko 'yun at parang may tumusok sa 'kin sa tagiliran. Dalawang linggo. Dalawang linggo lang at sa kanila na siya.
Hapon na nang matanggal 'yung pulang tape sa buhok ko. 'Yung flagging tape na ginagamit ko sa pagmarka ng mga lote, pinupulupot ko sa buhok kapag mahangin. Nahulog 'yun sa pagitan ng mga tubo.
Siya ang nakapulot. Nilinis niya sa pantalon niya, tapos isinilid sa bulsa ng polo niya. Hindi siya nagsalita. Hindi rin niya 'ko tiningnan.
"Akin 'yan," sabi ko.
"Alam ko."
Nanatili sa bulsa niya.
Tumingin ako sa lupa, sa mga tuod, sa linyang pinutol namin ngayong araw. "Sa lupa, walang nagsisinungaling," sabi ko. "Ang tubo, kung tuyot, tuyot. Kung maalat, maalat. Hindi 'yan marunong magkunwari."
Hinubad niya ang hat. "E sa tao?"
Hindi ako sumagot. Nagpatuloy akong maglakad.
Kinagabihan, nasa porch ako, nagbibilang ng bigkis sa listahan, nang maamoy ko.
Usok. Hindi ang usok ng kalan.
Tumayo ako. Sa kabila ng Lunay, pula ang buong linya ng ulo ng Bulawan. Nagpapaso sila ng bukid bago putulin, 'yung lumang paraan, para madali sa mga cutters. Pero mahangin. Mahangin nang gabing 'yun, hangin galing sa kanluran, diretso sa amin.
"La, nasusunog!" sigaw ko.
Mga alipato. Tumatawid sa ilog na parang mga kulisap na may apoy. Isa, dalawa, sampu. Narinig ko 'yung unang tubo na sumabog, 'yung tunog na parang putok ng paputok, tapos isa pa, tapos hindi ko na mabilang.
Nagsisigawan na ang mga tao. Nagtakbuhan sila palabas ng mga kubo sa gilid ng huling bloke, hila-hila ang mga bata, may dalang kumot, may dalang manok. Tumakbo akong pababa, nasasakal sa amoy.
"Bilangin n'yo ang mga bata!" sigaw ng encargado. "Bilangin n'yo!"
Nagbilang sila. Nagbilang ulit.
Tapos sumigaw ang manugang niya, mataas, mali ang tunog. "Wala si Toto! Nandoon pa siya sa kubo!"
Ang kubo sa dulo mismo ng bloke. 'Yung bahaging pula na ngayon.
Humakbang ako. May humawak sa braso ko.
Pero may dumaan sa tabi ko, mabilis, mainit ang hangin na kasama niya. Si Bagyo. Nakayuko si Joaquin sa leeg ng kabayo, walang hat, hinahagupit ang sariling takot.
"Arboleda!" sigaw ko. "Joaquin!"
Hindi siya lumingon. Dumiretso siya sa hilera, sa gitna mismo ng usok, at nilamon sila ng pula.
Hinawakan ko ang bakod. Nagbilang ako. Hindi ko alam kung hanggang ilan.
Tapos may lumabas sa usok, umuungol, basang-basa ng pawis ang balahibo.
Si Bagyo. Mag-isa. Walang laman ang siyahan.
At sa likod niya, sumara ang bloke, umungol ang apoy, at nawala ang hilera.
