Skip to content

Kapatid Ko ang Cadaver

Kabanata 5

Kagabi, lumabas kami sa Donor Office na parang walang nangyari.

Nakatayo 'yung guard sa pasilyo, hawak 'yung flashlight pababa. Tiningnan niya si Kristian, tapos ako, tapos 'yung keycard sa kamay ko.

"Sige po, Doc," sabi niya, at kinuha 'yung card sa palad ko, dahan-dahan, at ibinalik kay Kristian. "Hindi ko na ilalagay."

Nagpasalamat kami. Lumabas kami sa gilid na pinto. Pero habang naglalakad ako pauwi, alam ko na — kahit hindi isulat ng guard, may swipe na naitala sa system nang alas-onse. At tuwing umaga, umaakyat 'yon sa taas.

Kinabukasan, tanghali, tinawag si Kristian sa itaas.

Sa stairwell ako naghintay, 'yung may bukas na bintana. Mainit. Amoy ulan na hindi dumarating. Binilang ko 'yung mga tiles sa sahig. Tapos binilang ko ulit.

Mahigit kalahating oras bago bumaba si Kristian. Puti ang mukha niya.

"He saw the swipe," sabi niya. "Donor Office. Eleven-oh-four."

"Ano'ng sinabi mo?"

"Na may nawawala akong notes. That's it." Umupo siya sa hakbang. 'Yung kaliwang kamay niya, may bagong tinta, nakapatong sa tuhod. "Tapos nagtanong siya. Casual lang. Parang nagtatanong lang kung kumain na ako."

"Ano'ng tinanong?"

"'Your lab partner, Villacorta.'" Hindi niya ako tinitingnan. "'Her sister worked for me. Such a tragedy.'"

Hindi ako nakahinga nang maayos.

"Wala akong sinabi, Bree. Wala. Hindi ko binanggit ang pangalan mo doon—"

"Bakit kita paniniwalaan?" Mahina lang 'yung boses ko. Pero lumabas 'yon na parang kutsilyo.

Tumingala siya. Mata sa mata.

"Because I'm still standing here."

Wala akong naisagot. Kasi tama siya. Kung nagsalita siya, hindi na siya dapat nasa stairwell na 'to kasama ako. Nasa taas siya, sa aircon, ligtas.

Alas-singko ng hapon, bumalik kami sa Lab 4.

Naramdaman ko agad. Hindi 'yung amoy — pareho pa rin 'yung formalin. 'Yung espasyo. Masyadong maluwag.

Walang laman ang Table 14.

'Yung sheet, nakatupi. Square. Perpekto 'yung mga gilid, parang ginawa ng taong sanay magtupi ng tela. Nakapatong sa gitna ng hubad na bakal.

Naglakad ako nang hindi ko namamalayan. Hinawakan ko 'yung gilid ng mesa. Malamig. Walang basa. Tuyo na.

"Bree."

Nasa clipboard sa dulo ng mesa. Kinuha ni Kristian, pero nakita ko na.

Bagong papel. Nakalimbag ang mga salita, maliit lang, at sa ilalim, pirma sa asul na tinta.

Unfit specimen. For cremation. Pickup 5:00 AM.

Nabasa ko ulit. Tapos pangatlo. Parang kapag inulit ko, magbabago.

"Unfit," sabi ko. 'Yung salitang 'yon. 'Yung mismong sinabi mo sa professor."

Tumango siya nang isang beses. Hindi siya nagdahilan.

"Ginamit niya 'yung sinabi ko," sabi niya. "Binigyan ko siya ng dahilan. He just signed it."

Nanghina 'yung tuhod ko. Umupo ako sa stool sa tabi ng mesa kasi kung hindi, babagsak ako sa sahig ng Lab 4 at wala akong oras para doon.

Alas-singko ng umaga. Labing-dalawang oras.

Pagkatapos no'n, wala nang Ate. Walang abo na pwedeng tukuyin, walang tattoo sa kaliwang bukung-bukong, walang peklat sa baba. Wala nang DNA. Wala nang kaso. Wala nang pangalan.

Mawawala siya nang pangalawang beses, at sa pagkakataong 'to, legal.

"Nasaan siya ngayon?" tanong ko.

"Sa tank room. Palagi, kapag may pickup." Tiningnan niya 'yung orasan sa dingding. "Bree, kailangan nating—"

Nag-ilaw 'yung phone niya sa kamay niya. Nakita ko 'yung screen bago pa niya 'yon maitago.

Tito: Don't go back to the lab tonight, Kristian.

Dalhin mo ang kuwento kahit saan

I-download sa App StoreKunin sa Google Play

I-scan gamit ang camera ng phone mo