Skip to content

Kasal sa Papel, Hati sa Condo

Kabanata 4

Dalawang araw pagkatapos ng bangko, alas-siyete ng gabi, pagod ako at basa ang sapatos ko sa ulan mula sa bus stop.

Nasa lobby siya. Nakatayo sa tabi ng guard desk, may hawak na bouquet ng pulang rosas na mukhang binili sa gilid ng kalsada.

Anim na taon. Anim na taon kaming magkasama, at dalawang linggo bago ang loan, umatras siya.

"Trina." Ngumiti siya na parang walang nangyari. "Ang ganda pala dito. Ako dapat ang kasama mo dito."

Tahimik 'yung dalawang guard. Hindi sila tumingin. Pero alam kong nakikinig sila. Lahat ng guard sa mundo, nakikinig.

"Umuwi ka na," sabi ko.

"Pag-usapan natin. Nagkamali lang ako, pwede naman—"

Bumukas 'yung glass door. Pumasok si Rocco, basang-basa ang balikat, may bitbit na dalawang supot ng grocery at isang tray ng itlog. Off niya ngayong gabi. Tiningnan niya 'yung lalaki, tiningnan ako, saka inilagay 'yung braso niya sa balikat ko na parang doon talaga 'yon nakalagay araw-araw.

"Sino 'to?" tanong ng ex ko. Tinapunan niya ng tingin 'yung tsinelas ni Rocco. "Cook ka lang daw?"

"Oo, pare. Cook lang." Ngiti ni Rocco. "At ako ang nagluluto ng hapunan niya."

Lumapit ako ng kalahating hakbang. Hindi ako sumigaw. Hindi ko kailangan.

"May kalahati ka pang hindi nabayaran sa reservation fee," sabi ko. "Alam ko kung magkano. Alam ko kung kailan mo dapat ibinigay. Pero hayaan mo na. Charge to experience na lang 'yon."

Namula siya. "Trina, can we not do this here—"

"Kuya guard," lingon ko sa desk, magalang, po at lahat, "hindi po siya residente."

Tumayo 'yung dalawa. "Sir, dito po tayo sa labas," sabi ng isa. Hindi siya hinawakan. Hindi naman kailangan. Lumakad siya palabas, dala pa rin 'yung bouquet, at hindi na lumingon.

Sumara 'yung glass door. Tumunog 'yung elevator.

Pagpasok namin, hindi ko napigilan. Tumawa ako—'yung tawang parang hindi ko pag-aari—at agad kong tinakpan ang bibig ko gamit ang kamay ko.

Ibinaba niya 'yung grocery. Tapos hinawakan niya 'yung pulso ko, dahan-dahan, at ibinaba 'yung kamay ko mula sa bibig ko.

"Huwag mong takpan."

Anim na palapag akong hindi makahinga nang maayos.

Pagpasok sa unit, nag-vibrate 'yung phone ko. Work email. Binuksan ko habang nakatayo pa sa may pinto, basa pa rin ang sapatos.

From: Audit Manager.

Assignment for the quarter. Nasa listahan ang pangalan ko, pangalawa mula sa itaas. Katabi ng pangalan ko, 'yung client.

Kalinaw Land. Fieldwork sa head office sa Ortigas, simula Lunes.

Kalinaw. 'Yung nagtayo ng building na 'to. 'Yung nakasulat sa kupas na berdeng t-shirt na suot ko tuwing gabi.

"Nanu?!" Napabulong ako.

"Ano 'yan?" Nakayuko na siya sa likod ko, binabasa sa balikat ko.

"Na-assign ako. Kalinaw Land. Lunes magsisimula 'yung field—"

Nabitawan niya 'yung tray ng itlog.