Kabanata 5
Lunes, alas-sais y media ng umaga, nasa counter si Rocco, nagbabalot ng lunch ko.
Bistek. Nakahiwalay ang sauce sa maliit na garapon, para raw hindi malata ang kanin. May nakadikit na sticky note sa takip.
"Kainin mo habang mainit. —R"
Binasa ko 'yon nang tatlong beses na parang financial statement na may mali.
"Trina." Hindi siya tumingin sa akin. Nakatingin siya sa lababo. "Mag-sick leave ka na lang, lods."
"May fieldwork ako."
"Oo nga, pero—" Huminto siya. "Sige. Basta kumain ka."
Alas-otso, nasa boardroom na kami ng Kalinaw Land sa Ortigas. Anim kami ng team, isang long table, at ang audit manager namin na nagbibigay ng briefing habang nagbubukas ng laptop.
"Ma'am," sabi niya sa akin, "ikaw ang kukuha ng unsold inventory at ng receivables aging. Alas-diyes ang walkthrough."
Tapos bumukas 'yung pinto.
Pumasok ang babae na alam mong siya ang may-ari ng kahit anong kwartong papasukan niya. Navy blue na suit, walang alahas maliban sa relo. Itim ang buhok niya, pero may isang guhit na kulay abo sa harap, mula sa noo, na halatang ayaw niyang kulayan. Parang pirma.
"Leonor Mariano," sabi niya. "CFO. Let's keep this efficient."
Humingi ang manager namin ng full access sa board minutes. Tinapik niya ang mesa nang dalawang beses—tap, tap—bago sumagot.
"No. You'll get the summaries, reviewed by legal. If you need more, you'll ask again in writing."
Walang nakapag-reklamo.
Tapos lumingon siya sa akin. "Unsold units. Do you know how we classify them?"
"Opo, Ma'am. Inventory po, hindi investment property, kasi held for sale po in the ordinary course of business. Kaya lower of cost or net realizable value po."
Katahimikan. Pakiramdam ko sinagot ko nang sobrang tama, at 'yon ang mali.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang sapatos.
"Eat something. You look like a deficit."
Lumabas siya. 'Yung teammate ko sa tabi ko, tumawa nang pabulong. Ako, hindi.
Tanghali, sa pantry ng client, binuksan ko 'yung lunch box ko. Lumabas 'yung amoy—toyo, sibuyas, at 'yung kakaibang asim na hindi suka.
Dumaan si Leonor Mariano sa pinto. Huminto siya. Humakbang pabalik.
Hinigop niya ang hangin nang isang beses, parang sommelier.
"Calamansi zest on bistek. Only one person I know does that."
Nabilaukan ako sa kanin. Umubo ako nang parang mamamatay. Binigyan ako ng tubig ng isang Kalinaw staff.
"Sorry po," sabi ko, luhaan sa ubo. "Nanay ko po ang nagluto."
Tumingin siya sa akin nang matagal. "How nice," sabi niya, at umalis.
Alas-tres, pinakuha ako ng manager ng isang file sa executive floor. Sinabihan ako ng secretary na maghintay sa hallway.
At doon ko nakita.
Malaking family portrait sa dingding, naka-frame sa itim. 'Yung chairman, nakaupo, matandang lalaki na may bakal na likod. Si Leonor sa tabi niya, kasing-tuwid. Dalawang anak na lalaki sa likod. 'Yung panganay, suot ay coat and tie, pagod ang ngiti.
'Yung bunso, naka-barong. Nakatingin sa camera na parang gusto nang umalis.
'Yung mukha na nagtitimpla ng kape ko tuwing umaga. 'Yung noo na bumangga sa noo ko sa city hall.
Hindi ako makagalaw. Ni hindi ko namalayang nilalamukos ko na pala 'yung folder sa kamay ko.
"That's an old photo."
Nasa likod ko siya. Hindi ko narinig na dumating.
Lumapit si Leonor Mariano at tumingin din sa litrato, parang katabi lang namin ang anak niya.
"My youngest. He walked out a month ago, four weeks before his own engagement party. If you ever meet him, darling, tell him the wedding is still on."
