Kabanata 4
Alas-singko ng umaga, nasa bangka na naman ako ni Tatay, at hindi pa rin ako makapaniwala sa balita niya.
"Ayos na ang tour boat," sabi niya habang nagsusulat sa boat log. "Kagabi pa. May mekanikong dumating, dayon sa hapon na eroplano. May tumawag daw."
"May tumawag? Sino po?"
Kinibit niya ang balikat. "Indi ko alam, 'Day."
Pagdating ko sa lobby, nakatayo si Santi sa harap ni Sir Roly, may hawak na papel. NBI clearance. Isang gabi lang.
Sinilip ko. Santiago Reyes.
"Reyes?" tanong ni Sir Roly, paypay nang paypay.
"Technically po, apelyido 'yan ng nanay ko," sabi ni Santi, ang tapang ng mukha.
Tiningnan siya ni Sir Roly nang matagal. Tapos ngumiti. "Sige. Ifa-file ko."
Sa front desk, tinuruan ko siya. Hawak ko 'yung logbook—'yung makapal, sulat-kamay, kupas na ang gilid.
"Bawat bisita, isusulat mo rito. Pangalan, cottage, petsa. Bawat cash payment, may resibong sulat-kamay, at nananatili sa booklet ang carbon. Hindi 'yan optional."
"Kahit may system po kayo?"
"Lalo na. Patay ang system pag patay ang kuryente, at dito, madalas 'yon. Rules ni Lola 'yan." Pinagpag ko 'yung alikabok sa pabalat. "Siya ang nagtayo nito. Minsan nga, pinapost-an niya ako ng sulat—isang beses lang 'yon, papuntang opisina sa Makati. Hindi sinagot. Hindi man lang binasa, siguro."
Tumahimik si Santi. Matagal. Akala ko nalunod na naman siya sa isip niya.
"Hoy. Logbook."
"Opo. I mean—noted."
Tanghali, dumating 'yung pamilya galing Davao. Mag-asawa at isang batang lalaki na mga lima. Cash ang bayad nila, kaya sinulat ko ang resibo.
"Salamat, 'Nak," sabi ng tatay. "Ganda gid lagi dito."
Tapos tinulak ni Santi 'yung luggage cart pababa sa ramp papuntang cottage.
Sobrang bilis.
Sinubukan niyang pigilan. Dumulas. Tumakbo siya pero mas mabilis 'yung cart, at sa harap ng mata namin, dumiretso 'yon sa pool. Lagapak. Tumalsik ang tubig hanggang sa mga upuan.
Sumigaw 'yung bata. "Ulit! Ulit!"
At ako—hindi ko napigilan. Tumawa ako. 'Yung totoong tawa, 'yung hindi mo matigil, 'yung kailangan kong humawak sa gilid ng desk.
Nakatayo si Santi sa tubig, basang-basa na naman, at tiningnan niya ako. Hindi nahihiya. Hindi nag-sorry. Nakatingin siya na parang may napanalunan siyang hindi ko alam.
Nawala 'yung tawa ko. Tumikhim ako. Binuksan ko 'yung logbook na parang may importanteng nakasulat doon.
Hapon, pumunta sa akin si Sir Roly sa desk.
"Miss Supervisor, 'yung password mo sa system."
"Po?"
"Para sa handover report. Kailangan ko ng access sa lahat ng entries." Ngiti. Paypay. "Thirty days na lang."
Isinulat ko sa maliit na papel at inabot ko. Tiniklop niya, isinilid sa bulsa.
"At isa pa," dagdag niya, malambing. "'Yung pool. Nakita ko. Isa pa 'yan, bago, lalangoy na siya pauwi."
Ngumiti ako sa pinakamaaliwalas kong front-desk na ngiti.
"Noted po!"
Umalis siya, kontento.
Dumating 'yung huling bangka bago magdilim. Bumaba ang isang babae—malapad ang sombrero, salamin, sandals na mukhang mas mahal pa sa sweldo ko. Pinulot ni Santi ang bag niya sa jetty.
Tumigil siya. Tinanggal 'yung salamin.
"Oh my God. Santi? Santi Herrera?!"